6th Sunday in Ordinary Time, Year C
Mapalad
Marahil ay marami sa mga nakikinig kay Hesus ang natuwa sa kanyang pahayag na mapalad ang mga dukha, nagugutom, tumatangis, at inuusig. Sino ba naman ang ayaw ang mga ito. Siguradong nagdusa na sila ng sapat sa kanilang buhay at oras na para sila naman ay pagpalain. Kaya marami ang natuwa sa ganitong pahayag.
Ngunit nagpatuloy si Hesus: “Sawimpalad kayong mga mayayaman, mga busog, mga tumatawa, mga pinaparangalan.” Siguradong nag-isip-isip ang mga tagapakinig: “Ano ito? Isang bagong aral?” Pero hindi ito ang tanong na ibig ni Hesus pukawin sa ating damdamin. Ang tanong na dapat nating sagutin: Sa anong grupo ako kabahagi? Ako ba ay nakahanay sa panig ng mga dukha, gutom, tumatangis, at inuusig? O nasa panig ng mayaman, busog, tumatawa, at pinaparangalan? Ikaw ang pumili.
Ang sagot ay matutunghayan natin sa dalawang punong isinalarawan ni Propeta Jeremias sa Unang Pagbasa. Ang una ay ang halamang tumubo sa ilang, sa lupang tigang, sa lupang maalat – tunay nga na walang mabuting mangyayari sa kanya. Ang ikalawa ay ang punong natanim sa tabi ng batisan, kung saan ang mga ugat ay patungo sa tubig – tunay nga na mananatili itong luntian at mabunga. Ikaw ang pipili kung saan mo gustong mapabilang, sa mga punong tuyo’t walang pakinabang o sa mga punong luntian at mabunga. Ang punong tuyo’t walang bunga ay mga taong tumalikod sa Diyos at umasa sa kapwa nila tao. Ang punong luntian at mabunga ay mga taong nananalig sa Diyos at pinagpapala niya.
Ito din ang binabanggit ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon. Dalawang pamamaraan ng pagtanggap sa kanya (Anak ng Tao) – mapapalad at sawimpalad! Mapapalad ang mga kinikilala ang kanilang pangangailangan para sa ating Panginoong Hesus. At ito ang mga mahihirap, nagugutom, tumatangis, at inuusig. Batid nila na wala silang kahit na ano na maaaring tumugon sa kanilang pangangailangan. Kaya sila ay lumalapit kay Hesus upang punuin niya ang mga pagkukulang nadarama nila sa kanilang mga puso.
Ang mayayaman, busog, tumatawa, at pinaparangalan ay ang mga tao na hindi masyadong nadarama ang pangangailangan para sa Hesus – kaya naman nilang mabuhay, lahat ng kailangan nila, nakukuha nila. Hindi nila kailangang kumapit sa isang Diyos na tutugon sa kanilang mga pangangailangan.
Siyempre, hindi naman hinatulan ni Hesus lahat ng nasa grupo ng mayayaman. Ngunit binibigyan niya sila ng pagkakataon na magbago, buksan ang kanilang mga puso, at maglaan ng lugar para kay Hesus at ang kanyang mga aral.
Maaari nating tanungin ang ating mga sarili: Bakit baa ko dumalo sa Misa ngayon? Andito ba ako para makakain at mabusog? O may mga lugar ba sa buhay ko na kumportable na ako at nakakalimutan ko na si Hesus?
Hinintay tayo ni Hesus. Ikaw ang pipili kung saan mo gustong mapabilang.
Good Day po, Hindi ko po alam yong pinagdaanan namin noong una na kami pala ay Mapalad dhil kami ay Dukha, Nagugutom at pinag uusig. At nasanay po kami sa ganong buhay masaya basta makakain lang basta may kanin kahit walang ulam. Nalampasan namin ang pagiging Dukha, hindi na rin kami Nagugutom. Dhil po sa aming pagiging Dukha tunay na kami ay Mapalad. Dhil sa wala kaming inasahan kung di ang Panginoon
Kaya po every Sunday ako po ay nagsi simba upang patuloy na magpa salamat at humingi pa rin ma patuloy kaming Kabayan at Ingatan sa lahat ng oras . Dhil sa panahong ito sa kanyang pa rin kami umaasa.
Siguro po masasabi ko itinanim o napatanim kami sa tabing batis kung saan ang ugat ay laging sariwa at yan po ay dhil sa mga katulad nyong patuloy na nag aakay sa amin para lalong lumago at laging matatag sa mga pagsubok sa Buhay dhil lagi pa ring may mga pinag dadaanan. Salamat po and God Bless and protect us ALL always.