8th Sunday in Ordinary Time, Year C
TULAK NG BIBIG, KABIG NG DIBDIB
Paano malalaman kung ang isang CUOCO ay bravo? Sa sarap ng luto—maayos ang timpla at marikit ang paghahanda. Paano malalaman kung ang isang karpintero ay magaling? Sa ginawa niyang kabinet, pintuan, o lamesa—pulido, diretso, at matibay. Paano malalaman ang nasa puso ng isang tao? Sa mga salitang namumutawi sa kanyang bibig—sa kanyang pagsasalita, sa kanyang pagpo”post” at pagko”comment” sa Social Media. Tulad ng isda na nahuhuli sa kanyang bibig, ang iniisip at damdamin ng tao ay nahuhuli din sa kanyang bukang bibig. Totoo na maaari siyang magkunwari at magsinungaling. Pero hindi niya ito magagawa nang palagian. Madudulas at matitisod din siya at bigla na lang bubulaga ang totoong nasasa kanyang puso. Kaya nga ito ang sinasabi ng ating Panginoong Hesus na ang bawat isa ay nagsasalita mula sa kung ano ang nasa puso niya. Ganoon din ang binanggit si Sirak. Tulad ng bunga ng isang punong kahoy na nagpapakita kung anong klaseng puno iyon at kung paano iyon inalagaan, ganoon din ang pagsaalita ng isang tao—ipinapakita nito ang laman ng kanyang pag-iisip.
Nasa panahon na naman tayo ng mga kampanya para sa nalalapit na halalalan sa ating bayan. Tungkulin nating pumili ng mga tunay na lingkod ng bayan. Mabubulaklak ang mga pananalitang maririnig natin. At batid natin na marami sa mga sinasabi nila ay magiging mga pangakong mapapako. Totoo sila habang nangangampanyang maiboto lamang. Pagnaiboto na, iba na ang tugtuging sasayawan. Ang problema hindi tugma ang mga salitang binibitwan sa nilalaman ng puso. Sila ay mapagkunwari. Kaya siyasating mabuti ang mga kandidatong inyong iboboto. Siguraduhing ang kanilang mga puso ay makaDiyos, makaBayan, makaTao, at makaKalikasan.
Madalas, tayo din ay nahuhulog sa kanilang parehong sitwasyon—hindi din ugma ang sinasabi natin sa nilalaman ng ating puso. Kaya ano ang ating dapat gawin para ayusin ang sitwasyon. Ingatan ang ating pananalita? Bantayan ang bawat salitang namumutawi sa ating mga labi? Kapag yan ang inatupag natin, magiging MAPAGKUNWARI din tayo. Ang siphayuhin natin ay hindi yung pananalita na nagmimistulang bunga laman, kundi ang ating mga PUSO na siyang puno at pinagmumulan ng lahat ng bunga.
Iyan ang alagaan natin—ang ating mga Puso. Siguraduhin nating maayos ang ating mga puso. Paano?
Una, BANTAYAN NA HINDI MAKAPASOK ANG DUMI sa ating mga puso. Ang bintana at pintuan ng puso ay ang ating mga mata at tainga. Kung ano ang nakikita at naririnig natin ay nanatili sa ating mga puso. Kaya kung ang mga pinapanood mo ay mahahalay na palabas, maski ikaw ay magiging mahalay din. Kung ang pinakikinggan mo ay puro paninira sa isang tao, pati ikaw maniniwala sa kasiraan ng taong yaon. Kaya maging maingat sa mga siniSEARCH sa internet. Kasi ang mga TECH Companies ay may mga algoritmo na kung ano ang hinanap mo minsan ay paulit-ulit na lilitaw sa iyong search engine. Kaya kung magSearch ka ng Smartphone minsan, magugulat ka na lang at sunod-sunod na ang advertisement tungkol sa smartphone sa iyong browser. Imagine kung ang naisearch mo ay fake news … magiging fake news ang laman ng puso mo. Ingatan na huwag dumi ang makapasok sa ating mga puso.
Ikalawa, ALAMIN ANG KATOTOHANAN. Kung may narinig tayong masama tungkol sa isang tao, huwag tayong maniwala agad. Madalas nagkakaroon tayo ng masamang impresyon sa isang tao dahil sa sabi-sabi ng iba na hindi naman totoo.
Ikatlo, kung sakaling may masama tayong karanasan sa ibang tao at talagang masama naman ang ginawa niyo, PATAWARIN AT PAUMANHINAN na lang natin. Mabuti ang magpatawad kaysa magkimkim ng galit at sama-ng-loob. Sisirain lamang tayo ng hindi pagpapatawad. Titigas lamang ang atin mga puso. Walang magandang ibubunga ang pagtatanim ng sama-ng-loob. Mas mabuting magpatawad. Ikaw din ang unang makikinabang sa pagpapatawad. Aanihin mo ang bunga ng kapayapaan at kapanatagan ng kalooban.
Ikaapat, pilitin natin na ISIPIN ANG MGA BAGAY NA MABUTI. Kung ano man ang Mabuti, anoman ang kapuri-puri, anuman ang Dalisay, anuman ang kanais-nais, ang mga bagay na ito ang isapuso natin at ang kapayapaan ng Panginoon ay sasaatin. Kung magagandang bagay ang nasa puso natin, magagandang pananlita ang mamumutawi sa ating mga labi.
Tulak ng bibig, kabig ng dibdib. Ayusin natin ang sentro ng dibdib—ang puso. Huwag hayaang makapasok ang dumi, alamin ang katotohanan, magpatawad, at punuin natin ng magaganda at kaaya-ayang mga bagay.
Good Day po, Sa panahon po Covid naging mas maingat tayo sa lahat ng bagay. Una sa health, pangalawa sa Family nagkaroon tayo ng panahon ang bawat isa mga bata walang pasok mga magulang wala pasok kaya nagkaroon ng panahon ang bawat isa nagka bonding nagka usap at maraming naganap na masasaya at pangatlo ay work . .nag on lineang mga Student at pati mga Dattore d lavori ay on line din. Kaya naging maayos dhil sa amo tahimik ang mga telepono ngmga mang gagawa. Naging mas maganda ang naging raporto sa mga Amo dhil nakita nila kung paano mag trabaho ang mga magta trabaho nila. Nag kakausap ang mag Amo nag papalitan ng opunion about family. At idea sa buhay ng bawat isa. Kay. Kaya noong nag boom ang Covid ay Febuary 23, 2020 dito sa italy . 2 years na tayo sa Covid at ngayon naman ay Guerra between Ucraina at Russia Febuary 24, 2022.. Sa Covid naging maingat sa lahat ng bagay at nag bantay sa mga salita . Sa health .sa Pag iisip .sa financial at naging mas malapit sa Diyos dhil sa hindi natin alam ang mangyayari sa iyo kinabukasan. Salamat muli sa inyong walang sawang pag aakay sa aming lahat. At salamat sa Diyos sa mga biyayang patuloy nyang ipinapag kaloob sa ating lahat. Thank you po and God Bless and protect us ALL always