Fourth Sunday in Ordinary Time – Year C
Narinig natin ngayon ang karugtong ng Ebanghelyo noong nakaraang linggo kung saan si Hesus ay umuwi sa Nazaret at pumaroon sa synagoga ayun sa kanyang kinaugalian. Binasa niya ang sipi mula kay propeta Isaias ukol sa panahon ng Mesiyas. At tahasan niyang ipinahayag sa mga nakikinig na “Naganap ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan, sa inyong pakinig.” Ito ang pahayag ng ating Panginoong Hesus. At nakatutuwang makita na ang TUGON ng mga tao sa pahayag ni Hesus ay nagbago sa loob lamang ng ilang sandali. Sa simula ay pinaulanan si Hesus ng papuri, paghanga, at pagkamangha. Tapos ay sinundot ng pagdududa at inggit, “Hindi ba ito ang anak ni Jose?,” tanong nila na may halong pangungutya. At sa wakas nauwi ito sa matinding galit na umabot sa pagnanais na siya ay tuluyang patayin. “Nagtindigan sila, at ipinagtabuyan siyang palabas, sa taluktok ng burol na kinatatayuan ng bayan, upang ibulid sa bangin.”
Napakaikli ng ating binasa, siyam na bersikulo lamang. Ngunit ang PAGTUGON kay Hesus ay dahan-dahang napalitan mula sa papuri, paghanga at pagkamangha hanggang sa umabot ito sa poot at galit na handang pumatay.
Ano ang nangyari? Bakit biglaang nabago ang timpla ng mga tao tungkol kay Hesus? Marahil ang kanilang pinaka-unang tugon ng papuri, paghanga, at pagkamangha ay bunga ng kanilang kamalayan na ang Mesiyas ay maaaring magmula sa isa sa kanila. Nabalitaan nila ang pagtuturo at mga kababalaghang ginawa ni Hesus sa Capernaum, at sa buong Galilea. Kaya nga taas noo nilang inangkin na ang sikat na Hesus na ito ay kanila.
Ngunit unti-unting nabago ang kanilang pagtanggap kay Hesus nang linawin niya na bilang Propeta ng Diyos, siya ay isinugo hindi lamang para sa kanila at sa mga Hudyo, kundi para din sa lahat ng tao; na ang Diyos ay hindi lamang Diyos para sa mga Hudyo, kundi Diyos ng buong mundo. Ipinaalala ni Hesus sa kanila na ang mga propetang sina Elias at Eliseo ay naghatid ng mga pagpapala ng Diyos sa babaeng balo ng Sarepta at sa Ketonging Naaman ng Siria – kapwa sila hindi Hudyo. Sila ay mga Hentil. Dito naging galit-na-galit sila kay Hesus at pinagtangkaan nilang ihulog siya mula sa bangin. Ngunit hindi ito nangyari dahil hindi pa oras ng Panginoon. Kapag dumating na ang takdang oras ng Panginoon, ay iaalay niya mismo ang kanyang sarili para sa ating kaligtasan.
Sa lahat ng ito, walang pagkukulang ang ating Panginoong Hesus. Buong husay niyang ginampanan ang misyong inihatag sa kanya ng Ama. Siya ang Mesiyas na naghatid ng kaligtasan ng Ama sa mundo. Siya ang pinakadakilang Propeta na nagpapahayag ng Salita ng Diyos dahil siya mismo ang Salitang nagkatawang-tao.
Kaya kung walang matutunghayang pagkukulang sa parte ng Panginoong Hesus, ang pagkukulang ay matatagpuan natin sa mga taong tumanggap sa kanya. Sila ang mga nagbago. Hindi naman masamang ipagmalaki na si Hesus ay kababayan nila. Ngunit hindi tama na isipin nila na si Hesus ay maging “EXCLUSIBOng” para sa kanila lamang.
Ito ang naging problema ng mga kababayan ni Hesus – nagkaroon sila ng UTAK EXKLUSIBO. Kami-kami lang. Hindi kayo kasali. Hindi kayo bahagi ng aming grupo. Hindi kayo kabilang sa mga maliligtas na maaaring biyayaan ng Diyos. Ito din ay nagiging problema natin sa panahon natin ngayon – ang UTAK EXKLUSIBO. Lalo na sa ating mga Pilipino. Napakalakas ng ating “Kami-kami mentality” o “Tayo-tayo mentality.” Kitang-kita natin ito sa mga grupo dito sa Milano – may mga regional groups (taga-ilocos, taga-bicol, taga-mindoro, etc.), maraming mga bayan groups, pati mga grupo ng Simbahan ay nahahati-hati at nauuwi sa mga magkakapamilya o magkasing-utak na lamang. Hindi naman masama na maraming grupo at maraming paraan upang paglingkuran ang Panginoon. Nagiging masama lang kung kumikiling na sa UTAK EXCLUSIBO … kami-kami lang, at wala nang ibang pwedeng makapasok – sa kahuli-hulihan, pati si Hesus hindi na pwedeng pumasok. Napakadelikado ng ganitong uring saloobin. Kaya paglabanan natin ito.
Kung hahanap tayo ng tamang TUGON sa pahayag ng ating Panginoong Hesus, ang tamang tugon ay isinasaad ni Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Corinto – UMIBIG, MAGMAHAL. Sa ingles sinasabi natin “The love of God is never exclusive. It is always inclusive.” Kasama ang lahat sa pag-ibig ng Diyos. Walang puwera sa pag-ibig ng Diyos. Ganito umibig ang Panginoong Hesus. Sana all, ganito din umibig.