Ang mga Ama sa Aming Buhay
O Diyos Amang Lumikha ng lahat ng bagay, / pinupuri at pinasasalamatan Ka namin, / dahil sa mga ama sa aming buhay.
Ang salaminin ang iyong pagiging Ama / ay hindi madali. / Batid namin ang katotohanan / na may mga ama na tunay na sinalamin / ang pag-ibig at pagkalinga Mo. / Ngunit mayroon ding mga ama na labis na nagkulang dito. / Hinihingi namin ang Iyong pagpapala sa kanilang lahat, / at pagpapatawad sa sinumang nangangailangan nito.
Ngayong nalalapit na ang ARAW NG MGA AMA, / inaalala namin ang maraming sakripisyong ginawa ng mga ama / para sa kanilang mga anak at pamilya, / at ang iba’t-ibang pamamaraan kung paano nila binuhat ang mga kaloob mong anak / upang makamit ang mga pangarap na nais nilang abutin.
Gayundin, inaalala namin / ang lahat ng tumayong Tatay, Itay, o Ama sa aming buhay. / Pinunan nila ang kawalan / nang ang tunay na ama ay pumanaw nang maaga / o kahit buhay pa man ay biglang naglaho; / —ang mga lolo at tiyuhin, / mga kuya at mga pinsan, / mga guro at mga pari / at pati ang mga kababaihan na itinaguyod ang pamilya bilang single-parent.
Para sa mga ama ng sambayanang ito, / hinihingi namin ang katapatan sa kanilang mga maybahay, / karunungan at kababaang-loob sa pagiging magulang, / at pagpapala na salamının ang pag-ibig Mo, Amang makapangyarihan.
Ang lahat ng ito’y hinihiling namin / sa ngalan ni Kristong, aming Panginoon. Amen.