1st Sunday of Lent, Year C
MALAPIT SA IYO ANG SALITA
Habang sinusubaybayan ko ang mga kaganapan ukol sa di-makatarunangang paglusob ng Rusiya sa bansang Ukraina, pahapyaw na dumaan sa CNN World News ang pagpanaog mula sa helicopter ng Presidente ng Amerika, si Joe Biden, at ang mga Reporters na sunod-sunod siyang tinatanong: “What are you giving up for Lent?” Bigla kong naisip … Oo nga Ash Wednesday noon. Ang parehong tanong kay Joe Biden ay para sa atin din lahat: “Ano ang gagawin ko ngayong panahon ng Kuwaresma?” – dadagdagan ang mga dasal, mag-aayuno, magbibigay abuloy, magsasakripisyo! Tama yan at dapat nga nating gawin ang mga yan. Ngunit ang kuwaresma ay hindi lang tungkol sa kung ano ang gagawin natin para sa Diyos. Higit pa sa gagawin natin para sa Diyos, ang Kuwaresma ay tungkol sa kung ano ang gagawin ng Diyos para sa atin. Ito ay tungkol sa grasya ng Diyos na kumikilos sa atin. Ito ay tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa atin. At ang isang pamamaraan ng pagkilos na ito ay sa pamamagitan ng Salita ng Diyos.
Ipinaaalala ni San Pablo sa ikalawang pagbasa na ang Salita ng Diyos ay hindi malayo sa atin. Sabi niya: “Malapit sa iyo ang salita, nasa iyong mga labi at nasa iyong puso” (Rom 10,8). Nais tayong pagpalain ng Diyos ngayong Kuwaresma habang binabasa natin ang kanyang salita. Kaya magandang pagtuunan natin ng pansin ang Salita ng Diyos. Buksan ang Bibliya. Basahin natin. Pag-aral natin. Tiyak na babaguhin tayo ng Salitang titimo sa ating puso.
Isa sa mga maraming bagay na nagagawa ng Salita ng Diyos sa atin ay pinalalakas tayo upang sugpuin ang mga tuksong dumarating sa ating mga buhay. Ito ang nakita natin kay Hesus sa Ebanghelyong narinig natin. Tatlong beses tinukso ng diyablo ang ating Panginoon. Ngunit tatlong beses din siyang nagwagi sa pamamagitan ng Salita ng Diyos. Ganap ang tiwala niya sa Salita ng Diyos at hinayaan niya ito ang maging gabay ng kanyang buhay.
Kaya nang tuksuhin siya na patunayan na siya nga ay Anak ng Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng tinapay mula sa mga bato upang mapawi ang kanyang gutom, sinabi niya “Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao” (hango sa Dt 8, 1-3). Ang tuksong ito ay tukso ukol sa pangangailangan ng katawan. Tinukso si Hesus sa pagkain dahil siya ay gutom. Tayo din tinutukso sa pagkain, sa pag-inom, droga, at sex. Ito ay mga tukso sa laman.
Nang tuksuhin siya ukol sa kapangyarihan kapalit ng pagsamba sa diyablo, tumugon ang ating Panginoon: “Ang iyong Diyos at Panginoon ang sasambahin mo, at siya lamang ang iyong paglilingkuran” (Dt 6, 3). Tayo din ay tinutukso sa pera at kapangyarihan – na maging kuripot sa pagbibigay at makisayaw sa mga pulitikong at sa kung sino-sino na may pera.
Nang tuksuhin siya na gumawa ng mga kakaiba at nakagugulat na palabas (tulad ng pagpapahulog sa templo nang hindi nasasaktan), tumugon siya “Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos” (Dt 6, 13). Tayo din ay tinutukso sa kayabangan – nagmamagaling lalo na kung natapakan ang ating pride.
Sa lahat ng pagkakataon, kinuha ni Hesus ang lakas at inspirasyong manatiling tapat sa Diyos Ama sa bisa ng Salita ng Diyos. Ni minsan ay hindi siya sumunod sa diyablo.
Tayo din ay nakararamdam ng kahinaan, at madalas madali tayong mailigaw ng landas dala ng ating pagiging makasalanan. Idagdag mo pa diyan ang mga kaguluhan sa paligid natin at ang mga kasinungalingang ikinakalat. Kaya hindi ka magtataka kung bakit hirap na hirap kang lumaban. Kung si Hesus mismo ay umasa sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos, lalong higit para sa atin … dahil kinakailangan natin ang lahat ng biyaya na nagmumula sa Salita ng Diyos upang magwagi laban sa kasalanan.
Ang kuwaresma ay magandang pagkakataon upang araw-araw ay hanapin ang Panginoon sa Salita ng Diyos. Diyan natin masusumpungan ang lakas upang labanan ang mga tukso. Diyan natin maririnig ang tinig ng Diyos. Diyan natin makukuha ang liwanag upang gabayan ang ating mga buhay. Si San Pablo na mismo ang nagsasabi sa atin: “Malapit sa iyo ang salita, nasa iyong mga labi at puso.”