Siete Palabras 2022

Tema

Ang Mensahe ng Santo Papa Francisco para sa Kuwaresma 2022: “Huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti dahil kung hindi tayo susuko, tayo ay aani pagdating ng takdang panahon. Kaya’t hanggang may pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao” (Galacia 6, 9-10).

Namumuno: Sis. Mabel Falcotelo
Usherettes: All FCSL Volunteers
Speakers: from various Recognized Groups
Overall In-charge: Sis Cirila Baybayan

INTRODUCTION

Namumuno: Ang Siete Palabras ay isang gawaing pang mga Mahal na Araw na karaniwang ginagawa sa Biyernes Santo simula ng alas-dose ng tanghali hanggang alas-tres ng hapon.

Dahil sa kakaibang kalagayan natin dito sa Milano, kung saan maski Biyernes Santo ay araw ng trabaho, ginugunita natin ngayon ang Siete Palabras bago pumasok ang mga Mahal na Araw upang magnilay at makiisa sa pagpapakasakit ng Panginoon.

Ang Siete Palabras 2022 ay maituturing bilang isang “Recollection” na kinakailangan natin upang lumago ang ating buhay espiritwal.

Magsitayo ang lahat para sa Pambungad na Awit

PAMBUNGAD NA AWIT

FCSL Choir: Hosea

ANG UNANG HULING SALITA

Namumuno: Manatili tayong nakatayo habang pinakikinggan ang Pagbasa ukol sa Unang Huling Salita – “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.”

Pagbasa

Lucas 23:33-34

Sister Claudia Reyes (FCSL): Pagbasa mula sa Ebanghelyo ni San Lucas.

Nang dumating sila sa isang bundok na tinatawag na Bungo, ipinako nila si Jesus sa krus. Ipinako rin ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kaliwa. Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”

Patotoo

N: Ang Unang Huling Salita ay nakatuon sa pagpapatawad. Ang magpapatotoo sa atin ay buhat sa grupo ng GIG. Ang patotoo nila ay sa pamamagitan ng isang sayaw. Magsiupo ang lahat.

Patotoo: (max 3-5 min)

Pagninilay

N: Ang pagninilay sa Unang Huling Salita ay ibibigay sa atin ni Sister Marina Bautista na nagmula sa grupo ng FCSL Volunteers.

Pagninilay: (max 10 min)

Panalangin

N: Magsiluhod ang lahat para sa panalangin

Sister Remedios Raganit:  Manalangin tayo.

Panginoon, tunay ngang isa sa mga itinurong salita sa amin mula noong kami’y mga bata pa ay ang katagang – “Patawad.” Ngunit kinalauna’y ang salitang ito’y unti-unting nawalan na ng saysay. Minsan, kay daling sabihin ngunit kayhirap dibdibin. Madalas, kayhirap magpakumbaba upang ito’y hingin. Pinangungunahan kami ng yabang o di naman kaya, ng galit.

Iwaksi mo ang yabang sa amin Panginoon. Ngayong kami’y nakararanas ng matinding pagsubok dulot ng pangdaigdigang pandemya at pagbabanta ng digmaang pandaigdigan, tinuruan mo po kaming magpakumbaba —na walang sinuman sa amin ang nakaaangat sa kahit kaninuman sapagkat nilikha mo kaming mga anak mo na pantay-pantay.

Alisin mo rin ang galit sa aming mga puso Panginoon—upang matuto rin kaming magpatawad ng buong puso—na walang hinihinging kapalit o kondisyon. Turuan mo kaming magpatawad na tulad ng pagpapatawad mo sa amin.

Patawarin mo po kami Panginoon sa mga sandaling kami ay naging madamot, makasarili, o gahaman sa kapangyarihan, salapi o tagumpay. Sa mga sandaling nalilimutan namin ang kapakanan ng iba at tanging pansariling kaligtasan o kalusugan lamang ang aming iniisip at binibigyang pansin, patawad.

Patawarin mo po kami sa lahat ng aming pagkakasala sa aming mga sarili, sa aming kapwa, sa lipunan, maging sa Inang Kalikasan. Sa lahat ng pagkakataong kami’y nagkasala, ito’y mga panahong nalilimutan namin kung gaano kalaki ang pagmamahal mo sa amin.

Kaya’t sana’y patuloy at paulit-ulit mo kaming patawarin sa aming kamangmangan sa iyong pag-ibig—sapagkat kadalasa’y hindi namin nalalaman ang aming ginagawa.

Amen.

ANG IKALAWANG HULING SALITA

N: Magsitayo tayong lahat at pakinggan ang Pagbasa ukol sa Ikalawang Huling Salita – “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.”

Pagbasa

Lucas 23:39-43

Brother Aurlando Cabal (CFL): Pagbasa mula sa Ebanghelyo ni San Lucas.

Tinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami.” Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, “Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya! Tama lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama.” At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.”

Patotoo

N: Ang Ikalawang Huling Salita ay nakatuon sa kaligtasan. Ang magpapatotoo sa atin ay galing sa grupo ng CATHOLICS FOR FAMILY AND LIFE (CFL), si Brother Rodel Alamodin. Magsiupo ang lahat.

Patotoo: (max 2 min

Pagninilay

N: Ang pagninilay  sa Ikalawang Huling Salita ay ibibigay sa atin ni Brother Joel Atienza na nagmula sa MISSIONARY FAMILIES OF CHRIST.

Pagninilay: (max 10 min)

Panalangin

N: Magsiluhod ang lahat para sa panalangin

Sister Vicky Manzanilla (Healing Eucharist): Manalangin tayo.

Panginoon, tunay na napakadakila ng pagmamahal mo sa amin. Hindi mo kailanman ninais na kami ay iwan. Hanggang sa huling sandali, naririyan ka at naghihintay sa aming pagbabalik-loob.

Katulad ng ginawa mong pagpapatawad sa magnanakaw na nakabitin sa iyong tabi, patawarin mo po kami sa maraming sandali na kami’y nagnanakaw.

Sa pagnanakaw namin sa bayan sa tuwing hindi namin ginagampanan ang sa ami’y iniatas na tungkulin bilang mamamayan o tagapaglingkod man. Sa pagnanakaw namin ng katarungan sa tuwing tinatakasan o sinusuhulan namin ang batas.

Sa pagnanakaw namin ng katotohanan sa tuwing kami’y nagsisinungaling, nagpapakalat ng pekeng balita o naninira ng kapwa. At sa pagnanakaw namin ng buhay sa tuwing kami’y nawawalan ng pakialam sa kapakanan ng aming kapwa.

Patawarin mo po kami Panginoon sa mga sandaling kami’y nagiging ganid. Lalo na sa panahon ng krisis na ito kung saan pinangungunahan kami ng takot na mawalan. Sa kagustuhan naming mailigtas ang aming sarili, nakakalimutan namin ang iba—silang mga salat sa yaman na mas nangangailangan.

Patawarin niyo po kami sa tuwing kami’y napapariwa at naliligaw ng landas—sa tuwing kami’y nalulunod sa iba’t-ibang uri ng kamunduhan—kahalayan, droga, masasamang bisyo. Patawad sa mga pagkakataong kami’y lumalayo sa iyong pagmamahal.

Salamat po Panginoon sa patuloy na pagpapatawad. Sa walang sawang paghihintay. Sa pagsama sa amin sa lahat ng hirap na aming pinagdadaanan. Sa pag-akay sa amin sa masalimuot na biyahe ng buhay. Sa pakikiisa sa aming pagdurusa.

Naniniwala po kaming ang lahat ng ito’y nakalaang mangyari at marapat naming pagdaanan nang sa gayon ay maging karapat-dapat kami sa inilaan mong tahanan para sa amin.

Bagama’t aming nalalaman na kailanma’y hindi kami magiging karapat-dapat sa iyong kaharian kundi dahil sa yong grasya at awa kung kaya’t sinasambit mong maya’t-maya sa amin—ngayon di’y isasama mo kami sa iyong paraiso. Amen.

N: Magsiupo ang lahat.

Meditation Song

FCSL Choir: Prodigal Son

ANG IKATLONG HULING SALITA

N: Magsitayo tayong lahat at pakinggan ang Pagbasa ukol sa Ikatlong Huling Salita – “Ginang, narito ang iyong anak! … Narito ang iyong ina!”

Pagbasa

Juan 19:25-27

Sister Arlene Aguila (FCSL): Pagbasa mula sa Ebanghelyo ni San Juan.

Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid nitong babae, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, “Ginang, narito ang iyong anak!” At sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina!” Mula noon, pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay ang ina ni Jesus.

Patotoo

N: Ang Ikatlong Huling Salita ay nakatuon sa pagmamahal. Ang pagpapatotoo ay gagawin sa pamamagitan ng Awiting “Mariang Ina Ko” sa pamumuno ng FCSL Choir. Magsiupo ang lahat.

Patotoo: (max 5 min)

Pagninilay

N: Ang pagninilay  sa Ikatlong Huling Salita ay ibibigay sa atin ni Brother Eduardo Canlas na mula sa grupo ng GOD SHEPHERD.

Pagninilay: (max 10 min)

Panalangin

N: Magsiluhod ang lahat para sa panalangin

Sister Maricar Gesmundo (CFC) : Manalangin tayo.

Tunay ngang wagas mong isina-alang-alang ang aming kapakanan Panginoon nang ihabilin mo kami sa pagmamahal ni Inang Maria.

Sa kadakilaan ng iyong pagmamahal sa amin, habang nakabayubay ka sa krus, ibinahagi mo ang iyong pighati sa iyong ina – na labis ang pagdadalamhati nang mga sandaling yaon kasama ang iba pang mga naniniwala’t nagmamahal sa yo.

Sa kabila ng labis na hinagpis, hindi mo sila binigo, tiniyak mong sila’y may karamay sa isa’t-isa.

Tulad ni Inang Maria na naging matapat sa iyong habilin, nawa’y maging matapat rin kaming tagapangalaga ng aming mga magulang, asawa, kapatid, kapamilya at mga kaibigan.

Salamat Panginoon sa paghahabilin sa amin kay Inang Maria. Sa kanyang kanlungan kami’y nakadarama ng pag-asa. Ang kanyang malasakit at gabay ang nagtuturo sa amin patungo sa iyong walang hanggang awa.

Sa lahat ng dinaranas namin ngayon—kung saan may dumaraming bilang ng nangamamatay dahil sa digmaan at sakit na COVID19—sila at pati na ang kanilang mga pamilya, kaanak, at mga kaibigang hindi man lamang makapagdalamhati at makapagdamayan, kami’y pawang mga batang paslit na wala nang mapupuntahan at mapaghihingahan kundi ang isang inang mapagkalinga, mapagmahal at handang dumamay. Inihahabilin namin sa Inang Maria ang mga bansang Rusya at Ukrayna.

Salamat Panginoon.
Salamat Maria, mahal naming ina. Amen.

ANG IKA-APAT NA HULING SALITA

N: Magsitayo tayong lahat at pakinggan ang Pagbasa ukol sa Ika-apat na Huling Salita “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”

Pagbasa

Mateo 27:45-46

Sis. Erlina Garcia  (Healing Eucharist): Pagbasa mula sa Ebanghelyo ni San Mateo.

Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. Nang mag-aalas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus,  “Eli, Eli, lema sabachthani?” na ang ibig sabihi’y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Ito’y narinig ng ilan sa mga nakatayo roon kaya’t sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!”

Patotoo

N: Ang Ikaapat na Huling Salita ay nakatuon sa dalamhati. Ang magpapatotoo sa atin ay galing sa COUPLES FOR CHRIST, si Brother Melvin Gesmundo. Magsiupo ang lahat.

Patotoo: (max 2 min)

Pagninilay

N: Ang pagninilay  sa Ikaapat na Huling Salita ay ibibigay sa atin ni Brother Leo Cabrera na mula sa Missionaries of Mary Mother of the Poor (MMMP).

Pagninilay: (max 10 min)

Panalangin

Sister Tes Alamodin (CFL): Manalangin tayo.

Panginoon, ngayon higit kailanman, sinusubok ang aming pananampalataya’t katatagan. Nababalot ng kadiliman ang buong mundo at bawat isa’y naghahanap ng kaliwanagan, naghahanap ng lunas, naghahanap ng kasagutan.

Sa paghahanap namin Panginoon, nawa’y matagpuan ka namin. Hayaan mong ang aming mga hinagpis at panaghoy ay siyang magsilbing taimtim na panalangin at maging daan upang mapalapit kami sa iyo.

Sa pagkakataong ito, tulad mo noon sa krus, ay hayaan mo kaming dumaing at damhin ang bawat hagupit ng aming pagdurusa upang maramdaman namin kahit kaunti ang iyong naging pagpapakasakit.

Hayaan mong magsumigaw kami’t magsumamo upang manumbalik kaming lahat sa piling mo, at nang sa gayo’y marinig namin ang malakas mong tinig na magsasabi sa amin, hindi mo kami kalian pa man pababayaan. Amen.

N: Magsiupo ang lahat.

Meditation Song

FCSL Choir: O Hesus Hilumin Mo

ANG IKALIMANG HULING SALITA

N: Magsitayo tayong lahat at pakinggan ang Pagbasa ukol sa Ikalimang Huling Salita Nauuhaw ako!

Pagbasa

Juan 19:28-29

Brother Edison Topacio (MMMP): Pagbasa mula sa Ebanghelyo ni San Juan.

Alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya’t upang matupad ang kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!” May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Inilubog nila rito ang isang espongha, ikinabit iyon sa isang tangkay ng hisopo at inilapit sa kanyang bibig.

Patotoo

N: Ang Ikalimang Huling Salita ay nakatuon sa pagdurusa. Ang magpapatotoo sa atin ay mula sa GOD SHEPHERD, si Sister Yolly de Villa. Magsiupo ang lahat.

Patotoo: (max 5 min)

Pagninilay

N: Ang pagninilay sa Ikalimang Huling Salita ay ibibigay sa atin ni Brother Cid Ocampo na nagmula sa GOD IS GOOD BIBLE SHARING GROUP.

Pagninilay: (max 10 min)

Panalangin

N: Magsiluhod ang lahat para sa panalangin

Sister Crispy Daan Sullano (GIG):  Manalangin tayo.

Panginoon, naging matindi at malabis marahil ang panunuyot ng iyong lalamunan kung kaya’t nabigkas mong ika’y nauuhaw. Ngunit sa halip na tubig ay maasim na pawang suka ang sa labi mo’y pinadantay. Taliwas na taliwas sa tubig ng buhay na ibinigay mo sa babaeng Samaritano—at sa aming lahat.

Ikaw ang tubig na nagbibigay-buhay. Ngunit madalas, kung saan-saan pa kami umiigib at sumasalok upang punan ang aming pagkauhaw—pagkauhaw sa pansin, sa karangyaan, sa tagumpay, sa karangalan. Hindi namin nalalaman, na ang lahat ng ito’y nag-uugat sa aming pagka-uhaw sa Iyong pagmamahal.

Maraming salamat Panginoon sa patuloy ng pagdaloy ng iyong tubig ng pagmamahal. Kailanman, hindi mo ito ipinagkait sa amin.

Kami ang may malabis na pagkukulang sa iyo. Marahil ang iyong pagkauhaw ay pagkauhaw mo sa aming pansin. Kami na halos lamunin ng makamundong sistema ng lipunan. Nauuhaw ka marahil sa aming pagbabalik-loob mula sa aming gawaing masasama.

Sa iyong tubig na nagbibigay-buhay, matuto rin nawa kaming ibsan ang pagkauhaw ng aming mga kapwa—silang mga nangangailangan … lalo na sa panahon ngayon ng krisis—nawa’y mabuksan ang aming mga mata’t isipan sa kung sino ang mga tunay na nagugutom at nauuhaw—at magkaroon nawa kami ng sapat na tapang at kakayahan upang sila’y matulungan.

Nawa sa bawat mong daing ng pagkauhaw, kami’y tumugon ng buong-buo at walang pag-iimbot—kasabay ng pagkilos para sa aming kapwa, upang sa gayon kami’y makarating sa lugar at panahon kung saan rumaragasa ang iyong tubig ng buhay at hinding-hindi na kami kailan pa man mauuhaw. Amen.

ANG IKA-ANIM NA HULING SALITA

N: Magsitayo tayong lahat at pakinggan ang Pagbasa ukol sa Ika-anim na Huling Salita “Naganap na!”

Pagbasa

Juan 19:30

Sister Darlene Angel Gertes (FCSL Youth): Mula sa Ebanghelyo ni San Juan.

Pagkatanggap ni Jesus ng alak, sinabi niya, “Naganap na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.

Patotoo

N: Ang Ika-anim na Huling Salita ay nakatuon sa pagbabayad ng kasalanan. Ang pagpapatotoo ay sa pamamagitan ng sayaw na ihahatid ng mga kabataan ng MISSIONARY FAMILIES OF CHRIST. Magsiupo ang lahat.

Patotoo: (max 2 min)

Pagninilay

N: Ang pagninilay sa Ika-anim na Huling Salita ay ibibigay sa atin ni Brother Pio Cervantes na mula sa GOD SHEPHERD.

Pagninilay: (max 10 min)

Panalangin

N: Magsiluhod ang lahat para sa panalangin

Master Aeron de Leon (FCSL Youth): Manalangin tayo.

Panginoon, sa gitna ng mga kaganapan ngayon ng pandemya, banta ng pandaigdigang digmaan, at matinding krisis ekonomiko, tila nagaganap na rin ang iyong paghuhukom sa amin. Ito na nga ba ang aming napinpintong katapusan?

Sa krus binigyan mo ng kaganapan ang lahat ng iyong pangako—ang kaligtasan naming lahat. Nawa’y mamulat kami sa malalim na katotohanan at kahulugan ng iyong pagpapakasakit.

Nawa’y mapagtanto ng bawat isa sa amin na ang iyong sakripisyo ay hindi lamang kaganapan ng aming kaligtasan kundi kaganapan din ng aming pagbabago at pagbabalik-loob.

Nawa’y mamuhay kami ng naaayon sa kaganapan ng iyong hirap at pasakit. Turuan sana kami ng kasalukuyang krisis na manumbalik sa daigdig na iyong ninais para sa amin kung saan naghahari ang kabutihan, kapayapaan at pagmamahalan.

Tulungan mo po kami Panginoon na mabigyang kahulugan ang kaganapan ng iyong paghihirap sa krus sa pamamagitan ng pamumuhay ng matapat, dalisay, moral at may pagmamalasakit sa kapwa at sa kalikasan. Amen.

ANG IKAPITONG HULING SALITA

N: Magsitayo tayong lahat at pakinggan ang Pagbasa ukol sa Ikapitong Huling Salita “Ama, sa mga kamay mo’y inihahabilin ko ang aking kaluluwa!”

Pagbasa

Lucas 23:46

Sister Mely Darantinao (FCSL): Pagbasa mula sa Ebanghelyo ni San Lucas.

Sumigaw nang malakas si Jesus, “Ama, sa mga kamay mo’y inihahabilin ko ang aking kaluluwa!” At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga.

Patotoo

N: Ang Ikapitong Huling Salita ay nakatuon sa pagsusuko sa Diyos. Ang pagpapatotoo ay sa pamamagitan ng awiting “Lord Let My Heart Be Good Soil” na ihahatid sa atin ni Master Zeus Kervin Sagucio ng GIG Kids. Magsiupo ang lahat.

Patotoo: (max 2 min)

Pagninilay

N: Ang pagninilay sa Ikapitong Huling Salita ay ibibigay sa atin ni Brother Edgar Malabuyoc mula sa grupo ng FCSL VOLUNTEERS.


Pagninilay: (max 10 min)

 

Panalangin

N: Magsiluhod ang lahat para sa panalangin

Sister Rosemarie Malijan (FCSL Volunteers): Manalangin tayo.

Panginoon, sa gitna ng hirap, sa gitna ng takot at sa gitna ng iyong pag-aagaw buhay, ipinakita mo kung paano dapat harapin ng bawat isa sa amin ang napipinto naming kamatayan.

Inihabilin mo sa Ama hindi ang iyong katawan kundi ang iyong kaluluwa—patunay na hindi natatapos ang aming buhay sa mundong ibabaw. Ito’y nagpapatuloy at nananatili matapos ang kamatayan.

Patnubayan, akayin at samahan mo kami Panginoon sa bawat takot namin. Takot sa sakit na dulot ng pandemya. Takot sa madilim na bukas hatid ng banta ng pandaigdigang digmaan. Takot sa hindi namin nakikitang kalaban.

Ngunit ang pinakamatinding takot na namamayani sa aming lahat ay ang takot sa kamatayan. Kamatayan na buong puso at buong tapang mong hinarap. Kamatayan sa krus upang kami ay mabuhay.

Kasabay ng paghabilin mo ng iyong kaluluwa sa Ama, inihahabilin rin namin sa yo ang kaluluwa ng mga mahal naming yumao, pati na rin ang mga kaluluwa ng lahat ng nagsipag-panaw sa pandemya ng COVID19 at lahat ng biktima ng digmaan sa maraming bahagi ng mundo.

Sa mga lumalaban, pati na rin at higit lalo sa mga pumanaw na walang kalaban-laban—nag-iisa at malayo sa kanilang mga mahal sa buhay.

Sa panahong ito ng labis na takot at pangamba. Sa panahong ito ng matinding pighati. Isinusuko namin lahat sa iyo Panginoon ang aming buhay.

Binuksan ng krisis na ito ang aming mga mata at isip na hindi namin hawak ang aming kinabukasan. Na ang aming buhay ay wala sa aming mga kamay.

Kaya Panginoon, kami naman ang sa yo’y magsasabi at dadalangin, alisin mo ang takot sa aming mga puso. Pagtibayin mo ang aming pananampalataya. Linisin mo po ang aming kalooban at hilumin ang aming bayan at buong sangkatauhan.

Upang sa gayon, buong pagtitiwala naming masambit—Sa Iyong mga kamay, inihahabilin namin ang aming kaluluwa. Amen.

N: Magsitayo tayong lahat para sa pangwakas na Awit

Final Song

FCSL Choir: Sinong Makapaghihiwalay?

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *