Isang Pagpupugay kay Fr. Emil

Magandang gabi sa ating lahat! Magkahalong lungkot at saya ang nararamdaman natin sa mga sandaling ito. Malungkot tayo dahil hindi na natin makikita muli si Fr. Emil. Ngunit masaya din tayo dahil alam natin na tinanggap na niya ang kanyang gantimpala na buhay na walang hanggan.

Si Fr. Emil ay tinawag ng Panginoon noong nagdiwang tayo ng Kapistahan ng Banal na Santo Niño, noong nakaraang January 19, 2025. Ang limampu (50) sa kanyang pitongpu’t-pitong (77) taong gulang ay iginugol niya bilang isang paring rehilyoso ng ating Panginoong Diyos. Walong (8) taon naman ang hinihintay niya mula nang siya ay magsutana hanggang sa siya ay naging pari. At may mga pitong (7) taon din nagbuhay seminarista muna bago siya nagsutana. Iniwan niya ang kanyang pamilya sa Pampanga sa murang edad at halos animnapu’t limang (65) taon siyang nabuhay bilang bahagi ng pamilya Salesiano.

Kilala na natin si Fr. Emil at ang bawat isa sa atin ay may sari-sariling kwento tungkol sa kanya. Gusto ko lang magbigay ng ilang puntos sa buhay ni Fr. Emil na maaari nating bigyan ng pansin. Ang puso ni Fr. Emil ay andito sa Milano. Ang dalawampu’t pitong (27) taon sa kanyang 50 taon bilang pari, ay iginugol niya dito sa Italya. Siya ay professore na nagtuturo sa Università Pontificia Salesiana (UPS), sa Roma. Bahagi siya ng Facultà ng “Comunicazione sociale” at ang asignatura niya ay “Teologia della comunicazione.” Kahit siya ay fulltime na professore, ang mga Sabado at Linggo niya ay inilalaan niya para makapag-apostolado sa sa Pinoy.

Alam ba ninyo na ang tawag sa kanya ng mga kapwa professore niya ay “the Valigia Man.” Kasi kapag Sabado ng umaga, o kahit Biyernes ng hapon, basta wala na siyang obligasyon sa Università, si Fr. Emil ay makikita na may hatak-hatak na maleta papalabas ng Università. Tutuloy na yan ng Termini para sumakay ng tren papuntang Switzerland, France, Germany, Austria, England, at iba pa … at ang pinakamadalas niyang puntahan – ang Milano, kung saan itinatag niya ang Filipino Community of San Lorenzo bilang isang Worshipping Community.  

Kaya huwag kayong magugulat kung mapunta kayo ng Germany, at marinig ninyo ang pangalan ni Fr. Emil. Pihadong napuntahan yun ni Fr. Emil. Kaya siya ay tinatawag din bilang “Parrocco ng Europa.” Misa dito, misa doon, Santacruzan dito, Santacruzan dun, Formation dito, formation dun. Hindi napapagod ang paring ito. At ang maganda, pagbalik niya sa Università, hinding-hindi mangyayari na aabsent siya para sa 6:30am Meditasyon sa Lunes ng umaga. Hahanapin siya ng Rector niya kapag wala siya at pagsasabihan na huwag nang pumunta sa mga pinoy kung hindi niya kaya ang mga obligasyon dito sa Università.

Maraming kaloob na tinanggap si Fr. Emil mula sa Diyos. Isa dito ang kanyang natatanging kakayahan sa linguistics. Kapampangan, Tagalog, Ingles, Italiano … ilan lang yan sa mga lingwahe na kayang salitain ni Fr. Emil. Lingid sa inyong kaalaman, si Fr. Emil ay isa sa mga hinahangaan na professore sa Università. Sa Facultà ng Comunicazione, sinasabi ng mga kaiskwela ko na kapag si Fr. Emil ang nagpapaliwanag, malinaw na malinaw at madali sakyan ang kanyang italyano. At kilala si Fr. Emil hindi lang sa facoltà ng comunicazione. Siya ay madalas piliin bilang Thesis Adviser maski ng mga estudiyante sa ibang Facoltà. At karamihan sa kanila ay nagsusulat ng theses sa Español. At ang mga ito ang hinahanap bilang Thesis Adviser nila ay si Fr. Emil dahil magaling siya, hindi lang sa Italiano, pero pati sa Español.    

Isa sa mga kakayahang natural na meron si Fr. Emil a yang kanyang photographic memory pagdating sa mga mukha at pangalan. Kahit na ikaw ay minsan lamang niyang masalubong, hindi ka na niya makakalimutan. Kilala ka na niya. At kung sakaling magsalubong kayo pagkaraan ng maraming taon …  masasabi niya ang pangalan mo, kung saan kayo nagkita, kung kailan kayo nagkita, kung sino asawa mo, sino ang mga anak mo, at pati birthday mo! Kaya naman, ang dali niyang mapamahal sa mga tao, dahil natatandaan niya ang mga pangalan at mukha.

Pero kung may kalakasan na iniwan si Fr. Emil na tunay na kahali-halina, ito ay ang LAY EMPOWERMENT. Pinakikinabangan natin ngayon ang ipinunlang Leadership skills ni Fr. Emil sa mga layko. Matiyagang hinubog ni Fr. Emil ang mga layko na maging responsible para sa kanilang sariling komunidad. Pagdating sa pag-oorganisa ng kahit na anong gawin—pang-simbahan man o pang-lipunan, pang-bata, pang-kabataan, o pang-matanda—ibigay mo yan sa San Lorenzo, at tatakbo yan ng maayos. At yan ay dahil sa technology transfer na nangyari – tinuruan, ginabayan, sinubaybayan ni Fr. Emil ang mga layko. “Pag-usapan natin,” “Ano ang palagay mo tungkol dito?”, “Paano pa natin mapapaganda?”, “Paano natin ito babayaran?” “Sino-sino ang mga magsisikilos?” … at ayan ang bunga … ang unang Pistang Bayan sa Milano, ang unang community pilgrimage sa Lourdes, ang unang community pa-swimming sa Forte dei Marmi, ang unang Summer Sportsfest ng mga kabataan, ang unang Search for Mr. & Ms. Valentine, ang unang Paskong Pinoy, ang unang Local World Youth Day celebration …. At iba pang mga programma. Ngayon nga ay ginawa nang business ng ilan sa inyo ang mga ito. Magpasalamat tayo kay Fr. Emil, at nabuksan niya ang napakaraming posibilidad para sa ating lahat.

Magpasalamat tayo sa Diyos, sa pagkakaloob sa atin ng isang Mabuting Pastol sa katauhan ni Fr. Emil. Ipagpatuloy natin ang adhikain ni Fr. Emil. Gusto ko sanang iwan sa atin ang mga huling wika ni Fr. Emil. Noong mga huling misa niya dito sa atin, umuulit-ulit na lang ang kanyang mga mensahe. Sabi niya: Looking back! Giving Thanks! Moving Forward!  Looking back! Malayo-layo na din ang narating natin bilang isang komunidad  (35 years old na tayo). Giving thanks! Pasalamatan natin ang Diyos para sa mga taong ginamit niya para tulungan tayo – si Fr. Emil Santos at lahat ng mga naglingkod bilang pamunuan ng San Lorenzo. Moving forward!  Ipagpatuloy natin ang pag-alaga sa mga Kabataan. Pahalagahan natin ang ating pananampalataya. Itaguyod natin ang Filipino Community of San Lorenzo bilang tunay na Worshipping Community.

Magpahinga ka na Fr. Emil! Hindi ka namin makakalimutan! Ipagpapatuloy namin ang mga adhikain mo. Thank you Lord, for Fr. Emil!

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *