5th Sunday in Ordinary Time, Year C
Buwan ng Pebrero, taong 2003 nang magkaroon ako ng unang pagkakataon na humarap sa Santo Papa (Pope John Paul II), sa isang personal audience. Sa totoo ay saling pusa lang ako, ang talagang may personal audience ay si Bishop Patricio Buzon. Ad limina visit niya. Pero pwede siya magdala ng kahit na sino upang samahan siya sa pagharap sa Santo Papa. Yung kasama niya ay makalalapit at makahahalik sa kamay ng Santo Papa. Pero sandali lang. Sa simula lang. Pagkatapos ng ilang minuto ay iiwan na niya ang Obispo at ang Papa upang silang dalawa ay makapag-usap. Ako ay mapalad na naimbitahan ng Obispo na samahan siya. Siyempre tuwang-tuwa akong sumang-ayon na sasama upang makita ang Santo Papa ng personal kahit sandali lang. At alam niyo, kung ano ang una kong ginawa bilang paghahanda upang humarap sa Santo Papa??? — NAGKUMPISAL AKO. Ang feeling ko, ako ay lubhang makasalanan upang humarap sa Santo Papa. Feeling ko parang makikita niya ang mga kasalanan ko kapag nag-abot ang aming mga mata, at nahawakan ko ang kanyang mga kamay. Kaya kumpisal agad ako.
Pagkatapos ay napag-isip-isip ko, Santo Papa pa lang ang hinarap ko. Tao lang yun. Paano pa kaya kung si Hesus na mismo ay aking haharapin? Siguradong higit kong mararamdaman na tunay ngang super makasalanan ako at hindi karapat-dapat sa kanyang harapan.
Ito ang naging damdamin ng tatlong tao na tinukoy ng ating mga pagbasa. Ang Unang Pagbasa ay tungkol sa pagtawag kay propeta ISAIAS. Ang Ikalawang Pagbasa ay ang panawagan kay apostol San PABLO. At ang Ebanghelyo ay tungkol sa pagtawag sa Pinsipe ng mga Apostol, si PEDRO at kanyang mga KASAMAHAN. Ano ang naramdaman nila nung mamalayan nilang nasa presensiya sila ng Diyos? Lahat sila nagpahayag na hindi sila karapat-dapat. Sinabi ni ISAIAS “Kawawa ako. Marumi ang aking labi, at naninirahan sa piling ng mga taong marurumi rin ang labi” (Is 6,5). Si PABLO gayun din ang saloobin: “ako ang pinakahamak sa mga apostol, ako’y hindi karapat-dapat tawaging apostol, sapagkat inusig ko ang simbahan ng Diyos” (I Cor 15,9). At si PEDRO ay nagpatirapang nagpahayag “Lumayo po kayo sa aking, Panginoon, sapagkat ako’y makasalanan.”
Ang ganitong damdamin ng pagiging hindi karapat-dapat ay palatandaan ng isang kaluluwang tunay na nasalubong ang Diyos. Kaya nga ang kababaang-loob ang pinakauna at pinakapayak na damdamin ng totoong buhay espiritwal. Ang kabaligtarang damdamin na karapat-dapat ako, o kaya ko ang misyon, o tama nga ako, o malapit na ako sa Diyos, ay maaaring palatandaan ng isang kaluluwa na may nasalubong, pero tiyak na hindi ang Diyos ang nasalubong niya.
Kapag inamin ng tao ang kanyang pagiging makasalanan at di-karapat-dapat sa harap ng Diyos, Ang Diyos na ang gagawa ng hakbang upang siya ay patawarin at gawing karapat-dapat sa paglilingkod sa Kanya. Sa nangyari kay ISAIAS, ang anghel ay kumuha ng baga at idinikit ito sa kanyang mga labi, habang sinasabi: “Wala ka nang sala. Napawi na ang mga kasalanan mo” (Is 6,7). Kay SIMON PEDRO, sinabi ni Hesus na “Huwag kang matakot. Mula ngayo’y mamamalakaya ka ng mga tao” (Luc 5,10). Kitang-kita na hindi dahil sa kanilang sariling kakayahan, kundi dahil sa pagpapala ng Diyos kaya sila ay naging karapat-dapat. Yan mismo ang binanggit ni San PABLO “hindi ito sa sarili kong kakayahan kundi sa tulong ng Diyos sa akin” (1 Cor 15,10).
Isa pang katangian ng tatlong ito na tinawag ng Diyos ay ang kanilang PAGIGING HANDA NA GAWIN ANG KALOOBAN NG DIYOS. Nang marinig ni Isaias ang tinig ng Panginoon: “Sino ang aming susuguin?” ang tugon niya ay “Narito po ako. Ako ang isugo n’yo” (Is 6,8). Si Pedro at ang kanyang mga kasamahan ay iniwan ang lahat at sumunod kay Hesus (Luc 15, 11). At si Pablo ay nagpahayag na nagpagal siya ng higit kaysa kaninuman sa mga apostol, pero hindi sa sarili niyang kakayahan kundi sa tulong ng Diyos (1 Cor 15,10).
Kapag sinusunod natin ang kalooban ng Diyos, ang mga resultang mangyayari ay higit sa ating inaasahan. Si Pedro at ang mga kasamahan niya ay buong gabing nagpagod upang mangisda, ngunit wala silang huli. Ngunit noong sumunod sila sa kalooban ni Hesus, matinding tagumpay ang natamo nila – halos mapunit ang kanilang mga lambat sa dami ng isdang nahuli nila.
Sa panahon natin ngayon, nagpapatuloy ang butihing Diyos sa pagtatanong: “Sino ang aking ipadadala? Sino ang aming susuguin?” Kailangan pa din niya ng mga tao na tulad ni Isaias, ay ipapahayag ang Mabuting Balita ng pag-ibig ng Diyos sa templo, o tulad ni Pablo, ay ipapahayag ito sa mga lupaing banyaga, o tulad ni Pedro, ay tatayo para sa Panginoon at hihikayatin ang mga kasamahan na sumunod sa Diyos. Siguro nga wala ni isa man sa atin ang karapat-dapat. Pero maging bukas tayo sa kalooban ng Diyos. Saibihin nating “Narito po ako. Ako ang isugo n’yo.” At tiyak na ang Diyos na ang kikilos upang gawin kang karapat-dapat sa misyong ipagagawa sa iyo, tulad ng ginawa niya kay Isaias, Pablo, at Pedro.