Mag Asal Kristiyano sa lahat, maski sa kaaway

7th Sunday in Ordinary Time, Year C

MAG ASAL KRISTIYANO SA LAHAT, MASKI SA KAAWAY

Isa sa mga katotohanang dapat natin harapin sa ating buhay ay ang pagkakaroon ng kaaway. Mga bata pa lang tayo, kaaway na natin ang kapatid, kalaro at mga kapitbahay. Maliliit na away pero away pa din … tulad ng sino mas matangkad, sino mas mahal ni nanay, sino nandaya sa taguan. Habang lumalaki tayo, lumalaki din ang pinag-aawayan. Kaya kaaway ang umagaw ng ulam, kumopya ng homework, nanulot ng kasintahan. Ngayon kaaway mo yung pinautang na paasang magbayad, si Marites na laging dala ang “latest”, kaaway ng pula ang pink.

Ang sarap sana ng buhay kung wala tayong kaaway. Pero ang katotohan ay may mga tao na ayaw mo at may mga tao na ayaw din sa iyo. Kaya lagi tayong magkakaroon ng kaaway. Ang isang mundong walang mga magkaka-away ay nasa guniguni lamang natin. Habang tayo ay nakikipag-ugnayan sa ibang tao, laging may pagkakataon na magkabunguan, sinasadya man o hindi, at magbubunga ng tinatawag nating kaaway.

Batid ni Hesus na mayroon tayong mga kaaway. At hindi niya kailanman hinangad na mawalan tayo ng mga kaaway. Kahit gaano ka kabait, kahit gaano ka kaingat, kahit gaano ka kabanal, mayroon at magkakaroon ka pa din ng mga kaaway. Wala nang hihigit pa kay Hesus sa pagiging mabait, maingat, at banal. Ngunit sa kabila ng lahat na iyan, may mga tao na umaaway kay Hesus at ninanais pa siyang ipapatay. Batid ni Hesus kung ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng kaaway. Kung si Hesus na puno ng kabaitan ay may mga kaaway, paano pa tayong mga makasalanan at mahihina ang loob. Tiyak na mayroon tayong mga kaaway.

Kaya nga itong pahayag ni Hesus sa atin ngayon ay hindi huwag magkaroon ng mga kaaway kundi paano mo pakikitunguan ang mga itinuturing kang kaaway at itinuturing mo rin bilang kaaway. Tinuturuan tayo ni Hesus na makipag-ugnayan sa mga kaaway sa pamamaraang Kristiyano. Ibigin ang mga kaaway. Gawan sila ng Mabuti. Pagpalain ang mga isinusumpa ka. Ipagdasal ang mga inuusig ka. Ito ang kristiyanong pamamaraan ng pagmamahal.  Kaya ang mensahe sa atin ni Hesus ngayon ay hindi ang mga Kristiyano ay mga taong walang kaaway, kundi ang mga Kristiyano ay nakikitungo sa kanilang mga kaaway sa pamamaraang Kristiyano.

Malinaw ang halimbawang ipinakita ni David sa ating Unang Pagbasa ng kristiyanong pakikitungo sa mga kaaway. Si David ay pinaghahanap ni haring Saul upang ipapatay—dahil sobra na siyang sikat gawa ng tagumpay niya lalo na sa higanteng si Goliath. Nagkaroon si David ng pagkakataon na unahan si Haring Saul at patayin siya at tuluyang burahin ang umaaway sa kanya sa mundong ito. Pero hindi niya ginalaw ang Haring Saul dahil siya ay hinirang ng Diyos. May asal kristiyano si David tungo sa kanyang kaaway. Hindi niya hinangad na makaganti. Ang hinangad ni David ay ang pinakamabuti para kay Haring Saul.

Ito din ang hinihingi sa atin ni Hesus sa kanyang pahayag. Ang asal kristiyano sa ating mga pakikitungo, hindi lamang sa mga itinuturing nating mga kaaway, kundi sa lahat ng mga tao.

Kaya ibigay ang kabilang pisgni sa mga sasampal sa iyo. Magpahiram nang hindi umaasa ng kabayaran. Magpatawad. Huwag humusga. Malinaw ang mga ASAL KRISTIYANO na hangad ni Hesus para sa mga nagnanais maging kanyang mga disipulo. Talagang malaking hamon ito para sa atin. Paano kaya natin magagawa ang lahat ng ito?

Ang tugon matutunghayan natin sa ikalawang pagbasa kung paanong sasalaminin natin sa lupang ibabaw si Hesus na nanggaling sa langit. Totoo na na tayo ay nagmula sa lupa, ngunit hindi tayo mananatili sa lupa lamang. Tayo ay binihisan ng Panginoong Hesus ng katawang panglangit. Kaya hindi lang tayo basta-basta tao. Tayo ay mga kristiyano. Kaya ang asal natin ay asal kristiyano. Ang ating panuntunan ay ang halimbawa ng Panginoong Diyos. Kung paano ang Diyos ay mahabagin, tayo din ay mahabagin. Kung paano ang Diyos ay mapagbigay, tayo din ay mapagbigay. Tularan natin ang Diyos Ama, dahil tayo ay mga anak ng Kataas-taasan.

Napakalaking hamon ang ibinibigay sa atin ni Hesus. Ang mag-asal kristiyano sa lahat lalo na sa mga itinuturing nating mga kaaway. Si Hesus ang nagpatunay nito sa kanyang buhay. Buong buhay siyang nagpapatawad sa iba. Hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, pinatawad niya ang umaaway sa kanya. Tayo din inaasahan niyang mag Asal Kristiyano at kumilos nang katulad niya.

1 thought on “Mag Asal Kristiyano sa lahat, maski sa kaaway”

  1. Good Day po, Magpatawad at maging asal kristiyano. Salamat sa Diyos at mga Aral nyo sa smin. Dati madali akong magalit, madaling mag husga at mapagtanim. Pero sa Awa at tulong ng Diyos sa mga aral na aking nadidinig ay unti unting nabuksan ang aking isip , puso at mga kamay na maging Kalma sa lahat ng mga oras. Kasi minsan galit na galit ako dhil may ginawa sa aking masama pero nagtataka ako sa sarili ko kapag nagdasal ako at nag tanong bakit nga ba? Anong nangyari? Maya maya ay kalma na ako at natatangap ko kung may mali nga ako at pagkalipas ng ilang araw or lingo ay kakausapin ko sya para maging mas malinaw at hihingi ako ng tawad kung ako ang nagkamali para mas masarap mabuhay.
    At kalimitan dhil Mahal tayo ng Diyos ipinakikita agad nya sa atin ang mga dapat gawin. Yong tao na alam mo na galit sa iyo ay sya mo pa rin makakaharap na hindi sinasadya at doon kayo magkakaroon ng pagkakataon na makapag usap ng maayos. Again salamat po sa inyong pag gabay sa amin. God Bless po and God protect us all always

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *