Third Sunday in Ordinary Time - Year C
“Espiritung bumubuhay, ang Salita ng Maykapal!” Ito ang ating dinasal sa Salmong Tugunan ngayong Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon. Pasasalamat sa Salita ng Diyos na tunay ngang naghahatid ng Espiritu at buhay! Ang ating liturhiya ngayon ay inaanyayahan tayong pagnilayan ang kahulugan at kahalagahan ng Salita ng Diyos sa ating mga buhay.
Pagkatapos ng halos limampung taong pagkatapon sa Babilonia, ang mga Judio ay nakabalik sa lupang pangako. Ang binalikan nilang bayan ay tunay na winasak ng kanilang mga kaaway. Kaya wala silang ibang pwedeng gawin kung hindi magsimula muli at itayo ang lahat. At nang nakatindig na muli ang Templo at ang mga dingding sa paligid ng bayan, tinipon ng paring si Ezra ang mga tao—lalaki, babae, at mga batang nakauunawa. Binasa niya sa kanila ang BATAS mula umaga hanggang tanghali. At lahat sila ay nakinig ng mabuti. At habang dinidinig nila ang Salita ng Diyos, nag-iyakan sila! Binasbasan sila ni Ezra at nagsigawan sila ng “Amen! Amen! Purihin ang Panginoon!”
Tunay na nanabik sila sa pakikinig ng BATAS. Hindi nila ito narinig sa buong pagkatapon nila sa Babilonia. Tiyak na yung mga kabataan nila ay ngayon lang ito narinig. Salamat sa Diyos at naibalik sa kanila ang kanilang lupain. Salamat sa Diyos at naibalik sa kanila ang kanilang templo! Salamat sa Diyos at naibalik sa kanila pati ang Salita ng Diyos. Tunay na nagbigay sa kanila ng Espiritu at buhay ang Salita ng Diyos. Kaya nga ang araw na ito ay dakila, isang banal na araw, araw ng kagalakan sa Panginoon.
Ganun din sa atin mga kapatid. Alam ninyo napakapalad nating mga Pilipino dito sa Italya dahil kahit papaano, naririnig natin ang Salita ng Diyos sa ating sariling wika. Pwede tayong mag-Italyano. Pwede tayong mag-Ingles. Yung Italyano at Ingles ay maganda at sa utak natin tumitimo — pilit nating inuunawa. Pero yung tagalog ang pinakamaganda, dahil sa puso natin ito tumitimo. Hindi lang natin nauunawaan, nararamdaman pa natin. Kaya nga kahit tayo ay “naipatapon” sa malayong lugar, hindi naman tayo pinabayaan ng Diyos. Kaya magpagsalamat tayo sa Diyos. Magpasalamat tayo sa mga obispo ng Italya, lalo na sa ating Obispo ng Milano – Mario Delpini dahil sa pagkakataong ibinigay upang marinig ang Salita ng Diyos sa ating sariling wika.
Sa Ebangheylo natin ngayon, muli nating nasalubong ang nagbibigay-buhay na Salita ng Diyos sa katauhan ni Kristo, ang Salitang nagkatawang-tao. Umuwi siya sa Nazaret at tumuloy sa sinagoga at binasa ang sipi mula kay propeta Isaias. Binasa niya ang mga gagawin ng pinakahihintay nilang Mesiyas: Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon, ipinangangaral ang Mabuting Balita, pinalalaya ang mga bihag, pinanunumbalik paningin ng bulag, pinapahinga mga sinisiil, at pinadarama ang pagliligtas ng Panginoon.
At tahasang ipinahayag ni Hesus “NGAYO’Y NAGANAP ANG KASULATANG ITO SA INYONG MGA PAKINIG.” Totoo yun noon at totoo din yun ngayon. Parehong Salita ang naririnig natin ngayon. Parehong Salitang naghahatid ng Espiritu at Buhay.
Kaya nga mga kapatid, ito ang hamon sa atin ng mga pagbasa ngayon – tunay na pahalagahan natin ang Salita ng Diyos. Pakinggan natin ang mga pagbasa sa Misa. Buklatin natin ang ating mga Bibliya sa bahay. Kapag may pagkakataon, makibahagi tayo sa mga pag-aaral ng Salita ng Diyos. Tuwing Huwebes, si Fr. Bong ay nagbibigay ng Bible Study ONLINE (VIA ZOOM) 7.30 – 9:00 NG GABI).
Purihin natin ang Panginoon! Purihin natin ang Salitang naghahatid ng Espiritu at Buhay!
Salamat sa Diyos sa mga biyayang ating tinatagap lalo na ang pagkaksloob nya na makarating dito sa italya makapag hanap buhay, at dito rin lumago ang aking buhay pananampalataya. Kasabay nito ang maraming pag subok sa buhay at salamat sa mga salitang aking napapakingan, binabasa at ang Banal na Espiritung Gumakabay sa lahat ng panahon lalo na sa oras ng mga Pagsubok.
Salamat sa mga Paring gumagabay sa amin dito sa Italia Fr.Emil Santos, Fr Bong Noel Osial at kanilang kasamahang mga Pari. Salamat Diyos malaya tayong nakakagamit ng ating sariling Wika sa ating Banal na Misa. At doon masaya at malakas tayong nag kakaroon ng Mabuting Pang unawa sa mga SALITA NG DIYOS. PURIHIN ANG PANGINOON.
SALAMAT PO , Fr. Bong sa yong pagpapastol sa aming lahat. God Bless and protect us ALL always